Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


Mateo 26

Nagbalak Sila ng Masama laban kay Jesus
    1Nangyari, nang matapos nang ituro ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, nagsalita siya sa kaniyang mga alagad. 2Sinabi niya: Alam ninyo na pagkatapos ng dalawang araw ay magaganap na ang Paglagpas. May isang magkakanulo sa akin na Anak ng Tao upang ako ay ipapako sa krus.
    3Nagtipun-tipon nga ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at mga matanda sa mga tao sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote na ang pangalan ay Caifas. 4Sila ay sumangguni sa isa't isa upang si Jesus ay kanilang mahuli, malinlang at kanilang patayin. 5Ngunit sinabi nila: Huwag sa araw ng paggunita na dumarating upang hindi magkagulo ang mga tao.

Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus
    6Sa oras na iyon, si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin. 7May isang babaeng lumapit sa kaniya. Siya ay may dalang garapong alabastro na may mamahalin at napakabangong pamahid. Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus habang siya ay nakadulog sa hapag.
    8Nang makita ito ng mga alagad, sila ay lubhang nagalit. Sinabi nila: Para ano at sinayang ito? 9Ang pamahid na ito ay maaaring ipagbili sa malaking halaga at ipamigay sa mga dukha.
    10Ngunit nalalaman ito ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ginagambala ang babae? Siya ay gumawa ng mabuti sa akin. 11Ito ay sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama. 12Ginawa ng babaeng ito ang pagbuhos ng mabangong pamahid sa aking katawan para sa aking paglilibing. 13Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Saan man ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaeng ito ay isasalaysay din bilang pag-alaala sa kaniya.

Nakipagkasundo si Judas upang Ipagkanulo si Jesus
    14Nang magkagayon isa sa labindalawang alagad, na tinatawag na Judas na taga-Keriot, ay pumunta sa mga pinunong-saserdote. 15Sinabi niya: Ano ang ibibigay ninyo sa akin kapag maibigay ko si Jesus sa inyo? Itinakda nila sa kaniya ang tatlumpung pirasong pilak. 16Mula sa oras na iyon, siya ay naghanap ng pagkakataon upang maipagkanulo niya si Jesus.

Ang Huling Hapunan
    17Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, pumunta kay Jesus ang mga alagad. Sinabi nila sa kaniya: Saan mo ibig na kami ay maghanda para sa iyo upang makakain ng hapunan ng Paglagpas?
    18Sinabi niya: Pumunta kayo sa isang lalaki na nasa lungsod. Sabihin ninyo sa kaniya: Sinabi ng guro: Ang aking oras ay malapit na. Gaganapin ko ang Paglagpas sa iyong bahay kasama ang aking mga alagad. 19Ginawa ng mga alagad ang ayon sa iniutos sa kanila ni Jesus. Sila ay naghanda para sa Paglagpas.
    20Nang gumabi na, dumulog si Jesus sa hapag kasama ng labindalawa. 21Habang sila ay kumakain, sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.
    22Ang bawat isa sa kanila ay labis na namighati. Nagsimula silang magsabi sa kaniya: Ako ba, Panginoon?
    23Ngunit sumagot siya: Ang kasama kong nagsawsaw ng kamay sa mangkok, siya ang magkakanulo sa akin. 24Ang Anak ng Tao ay hahayo ayon sa isinulat patungkol sa kaniya. Ngunit sa aba ng taong iyon na magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya naipanganak.
    25Sumagot si Judas, ang magkakanulo kay Jesus: Ako ba, guro?
   Sinabi niya sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.
    26Habang sila ay kumakain, kinuha ni Jesus ang tinapay. Pinagpala niya ito, pinagputul-putol at ibinigay sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.
    27Kinuha niya ang saro at nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila. Sinabi niya: Uminom kayong lahat. 28Ito ay ang aking dugo ng bagong tipan. Nabuhos ito para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng marami. 29Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas hanggang sa maipanumbalik ko ang aking pag-inom nito sa paghahari ng aking Ama.
    30Pagkaawit ng isang himno, sila ay umalis patungo sa bundok ng mga Olibo.

Ipinagpauna ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro
    31Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kanila: Kayong lahat ay matitisod dahil sa akin sa gabing ito sapagkat nasusulat:
       Sasaktan ko ang pastol at mangangalat sa ibang
       dako ang mga tupa ng kawan.
32Ngunit pagkatapos na ako ay ibinangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.
    33Sumagot si Pedro sa kaniya: Kung ang lahat ay matitisod dahil sa iyo, ako ay hindi matitisod.
    34Sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing iyon, bago tumilaok ang tandang ay tatlong ulit mo akong ipagkakaila.
    35Sinabi ni Pedro sa kaniya: Kung kinakailangang ako ay mamatay na kasama mo, kailanman ay hindi kita ipagkakaila. Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo
    36Nang magkagayon pumunta si Jesus sa isang dako na tinatawag na Getsemane kasama ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Maupo kayo rito, pupunta ako sa dako roon upang manalangin. 37Isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Siya ay nagsimulang nalumbay at lubos na nabagabag. 38Sinabi niya sa kanila: Lubhang namimighati ang aking kaluluwa maging sa kamatayan. Manatili kayo rito at magbantay na kasama ko.
    39Pumunta siya sa di kalayuan at nagpatirapa siya at nanalangin. Sinabi niya: Aking Ama, kung maaari, lumampas nawa sa akin ang sarong ito. Gayunman, hindi ang aking kalooban kundi ang sa iyo.
    40Pumunta siya sa mga alagad at nasumpungan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Hindi ba ninyo kayang magbantay ng isang oras na kasama ko? 41Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong mapasok sa tukso. Ang espiritu nga ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.
    42Sa pangalawang pagkakataon, muli siyang umalis upang manalangin. Sinabi niya: Ama, kung ang sarong ito ay hindi makakalampas malibang ito ay aking inumin, mangyari ang kalooban mo.
    43Pagbalik niya, nasumpungan niya silang muling natutulog sapagkat lubha na silang inantok. 44Iniwan niya silang muli at nanalangin sa ikatlong pagkakataon. Sinabi niyang muli ang gayong panalangin.
    45Pagkatapos ay pumunta siya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Matulog na kayo at magpahinga. Narito, malapit na ang oras at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga makasalanan. 46Bumangon kayo at lalakad na tayo. Narito, siya na magkakanulo sa akin ay malapit na.

Dinakip nila si Jesus
    47Habang siya ay nagsasalita pa, narito, si Judas na isa sa labindalawa ay dumating. Kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo. Sila ay mula sa mga pinunong-saserdote at mga matanda sa mga tao. 48Siya na magkakanulo ay nagbigay sa kanila ng isang tanda. Sinabi niya: Ang sinumang halikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya. 49Kaagad, siya ay lumapit kay Jesus. Sinabi niya: Bumabati, Guro! Pagkatapos ay hinalikan niya si Jesus.
    50Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Kaibigan, anong dahilan ng pagparito mo?
   Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang mga kamay at siya ay dinakip. 51At narito, isa sa mga kasama ni Jesus ay bumunot ng kaniyang tabak. Inundayan niya ng taga ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang tainga nito.
    52Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito: Ito ay sapagkat ang sinumang gumagamit ng tabak ay sa tabak din mamamatay. 53Ipinapalagay mo bang hindi ako makakapamanhik kaagad sa aking Ama? Pagkakalooban niya ako ng higit pa sa labindalawang hukbo ng mga anghel. 54Paano nga matutupad ang mga kasulatan na dapat mangyari nang ganito?
    55Sa oras na iyon, sinabi ni Jesus sa napakaraming tao: Pumarito ba kayong may mga tabak at mga pamalo na parang makikipaglaban sa isang tulisan? Araw-araw akong nakaupong kasama ninyo sa templo at hindi ninyo ako dinakip. 56Ngunit ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang mga sulat ng mga propeta. Nang magkagayon, iniwan siya ng mga alagad at sila ay tumakas.

Si Jesus sa Harap ng mga Sanhedrin
    57Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kaniya kay Caifas, ang pinakapunong-saserdote. Doon ay nagkakatipon ang mga guro ng kautusan at ang mga matanda. 58Ngunit si Pedro ay sumunod sa kaniya nang hindi kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok sa loob at naupong kasama ng mga tanod sa templo upang makita kung ano ang magaganap.
    59Ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda at ang buong Sanhedrin ay naghanap ng mga huwad na patotoo laban kay Jesus. Ito ay upang maipapatay nila si Jesus. 60Ngunit sila ay walang makitang sinuman bagamat maraming mga huwad na saksi ang nagkusa.
    61Subalit sa wakas, lumapit ang dalawang huwad na saksi na sinasabi: Sinabi ng lalaking ito: Kaya kong wasakin ang banal na dako ng Diyos at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko itong muli.
    62Tumayo ang pinakapunong-saserdote at sinabi sa kaniya: Wala ka bang isasagot? Ano itong ipinaparatang ng mga saksing ito laban sa iyo? 63Ngunit si Jesus ay nanahimik.
   Sinabi ng pinakapunong-saserdote sa kaniya: Inuutusan kita sa pamamagitan ng buhay na Diyos. Sabihin mo sa amin kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?
    64Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi. Gayunman, sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita mo ang Anak ng Tao na nakaupo, siya ay makikita mo sa kanang kamay ng Makapangyarihan at dumarating sa mga ulap ng langit.

Nilibak ng mga Kawal si Jesus
    65Pinunit ng pinakapunong-saserdote ang kaniyang damit. Sinabi niya: Siya ay namusong. Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Narito, narinig ninyo ang kaniyang pamumusong. 66Ano ang palagay ninyo?
   Sumagot sila: Siya ay nararapat na mamatay!
    67Dinuraan nila ang mukha ni Jesus at siya ay pinagsusuntok. Pinagsasampal siya ng iba. 68Kanilang sinabi: Ihayag mo, Mesiyas! Sino ang sumampal sa iyo?

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus
    69Sa oras ding iyon ay nakaupo si Pedro sa labas. Lumapit sa kaniya ang isang utusang babae. Sinabi niya: Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea.
    70Ngunit ipinagkaila niya sa lahat. Sinabi niya: Hindi ko alam ang sinasabi mo.
    71Pumunta siya sa may tarangkahan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi niya sa mga naroroon: Ang lalaking ito ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.
    72Muli siyang nagkaila na may panunumpa. Kaniyang sinabi: Hindi ko kilala ang lalaking iyon.
    73Pagkaraan ng ilang sandali, lumapit sa kaniya yaong mga nakatayo roon. Sinabi nila kay Pedro: Totoong ikaw ay isa sa kanila sapagkat nahahayag ito nang malinaw sa iyong pananalita.
    74Nagsimula siyang manungayaw at manumpa. Sinabi niya: Hindi ko kilala ang lalaking iyon.
   Pagdaka ay tumilaok ang isang tandang. 75Naalaala ni Pedro ang salita ni Jesus na sinabi sa kaniya: Bago tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila. At siya ay umalis at tumangis nang may kapaitan.


Tagalog Bible Menu